PRESS RELEASE
August 30, 2016
Nandyan na naman sila. Panay ang panunukso. Di na natuto.
Ito ang pahayag ni Akbayan Rep. Tom Villarin bilang pagsalubong sa itinakdang oral arguments ng Korte Suprema tungkol sa patuloy na pagpupumilit ng pamilya ni Ferdinand Marcos na ipalibing ang dating diktador sa Libingan ng mga Bayani.
Matatandaang marami nang beses sumubok ang pamilya Marcos na ilibing ang yumaong diktador sa LNMB tulad noong panahon ni dating Pangulong Fidel V. Ramos na nagtapos sa isang kasunduang hindi naman sinunod ng pamilya Marcos. Nagpumilit din sila noong panahon ni dating Pangulo at ngayo'y Manila Mayor Joseph "Erap" Estrada.
Ngayon naman, nagpupumilit silang muli dahil sa suportang ipinahayag ni Pangulong Rodrigo Duterte, na nagtakda ng paglilibing sa yumaong diktador sa darating na buwan.
"Parang sirang plaka ang mga Marcos. Pinipilipit nila ang kasaysayan at ipinipilit na bayani si Ferdinand Marcos," sabi ni Villarin.
"Lumang tugtugin na 'yan," dagdag pa niya.
Iginiit din ng mambabatas na di tulad ng mga Marcos, natuto na ang sambayanang Pilipino sa mapait nitong karanasan sa ilalim ng Batas Militar, na nambiktima sa may 75,000 Pilipino sa pamamagitan ng torture at summary killing.
Ipinaalala rin ni Villarin ang mapait na karanasan ng mga pamilya ng mga desaparecido na magpahanggang ngayon ay naghihinagpis dahil hindi pa rin nila alam kung ano ang sinapit ng kanilang mga mahal sa buhay.
"Ni magluksa, hindi magawa ng mga kaanak dahil bigla na lang naglahong parang bula ang mga biktima," sabi niya.
Dagdag pa ng mambabatas, hindi rin legal na batayan ang RA 289 o ang pagtatatag ng isang National Pantheon dahil iba ito sa LNMB at hindi naman naisakatuparan pagtatayo ng National Pantheon.
Patuloy naman ang panawagan ni Villarin sa taumbayan, lalo na sa kabataan, na maging mapanuri tungkol sa kanilang pagtingin sa isa sa mga pinakamadidilim na yugto sa kasaysayan ng bansa.
"Patunayan po nating natuto na tayo. Huwag nating ipilit na tama ang alam naman nating mali," sabi ni Villarin.
Kabilang si Villarin sa mga naghain ng petisyon laban sa paglilibing kay Marcos sa Libingan ng mga Bayani, na nakatakdang isalang sa oral arguments matapos maglabas ang Korte Suprema ng isang status quo ante order laban sa paglilibing.
No comments:
Post a Comment