Monday, August 29, 2016

10 Kongkretong hakbang patungo sa pagpapatupad ng agrarian reform

OFFICE OF AKBAYAN PARTY-LIST REP. TOM VILLARIN
S513 South Wing Building, Batasan Complex, Batasan Hills, Quezon City

PRESS RELEASE
August 25, 2016 

PANAWAGAN NG AKBAYAN: AGRARIAN REFORM, NGAYON NA!

Nanawagan sa Kamara si Akbayan Rep. Tom Villarin na tutukan ng sangay ng ehekutibo ang mabilis na pagpapatupad ng CARPER na matagal nang inaasam-asam ng mga magsasakang Pilipino.

Sa isang talumpati noong Martes, inilahad ng mambabatas ang kasaysayan ng agrarian reform na magpahanggang ngayon ay hindi pa rin buong naipatutupad.

Kaya naman, naghain siya ng sampung kongkretong hakbang upang maisakatuparan ang mga layunin ng programa:

1) Siyasatin ang lumang estruktura at parusahan ang mga tiwaling opisyal ng DAR mula sa pambansang ahensya hanggang sa lokal;

2) Baguhin o ipawalang-bisa ang mga polisiyang kontra sa interes ng mga magsasaka batay sa mga nararapat na konsultasyon at diyalogo kasama ang sektor;

3) Pamunuan mismo ng Pangulo ang Presidential Agrarian Reform Council na mamamahala sa lahat ng mga kontrobersyal na kaso ng agrarian reform upang maaksyunan at maresolba ang mga ito kaagad;

4) Lumikha ng Special Task Force para suriin ang mga CLOA, isama ang mga nararapat na benepisyaryo, siyasatin ang mga gastusin ng CARP, at tutukan ang mga kaso ng illegal land conversion at paglabag sa karapatan ng mga magsasaka;

5) Pabilisin ang pagpapatupad ng mga patakaran ng pagsasama sa mga benepisyaryo, lalong-lalo na ang pagbibigay-babala at pagparusa sa mga lumalabag dito;

6) Resolbahin ang mga isyu sa pagitan ng mga magsasaka at ng mga indigenous people ukol sa mga lupang dapat ipamahagi sa ilalim ng pangangasiwa ng DAR, DENR, at NCIP;

7) Tutukan ang mga problema sa Land Tenure Improvement ukol sa pagmamay-ari, pagbabayad, at pagiging produktibo ng mga lupain sa ilalim ng CARP;

8) Ipasa ang National Land Use Act upang mapangasiwaan ang mga lupang sakahan at magamit ito para maging sapat ang pagkain at umunlad ang kanayunan;

9) Protektahan ang kapakanan ng mga magsasaka mula sa epekto ng malayang kalakalan, liberalisasyon, pagtaas ng presyo, at pagbabago ng klima; at

10) Sanayin at patibayin ang mga organisasyon ng mga magsasaka sa larangan ng pag-oorganisa, pagiging mas produktibo, pag-unawa sa mga usaping legal, at makabuluhang pakikilahok sa mga programa ng gobyerno.

Umaasa naman si Villarin na sa pamumuno ni Pangulong Duterte at ni DAR Sec. Paeng Mariano, maibibigay na sa mga magsasaka ang lupang matagal nang ipinangako sa kanila.

No comments:

Post a Comment