Saturday, April 30, 2016

Tibayan at palawakin ang karapatan ng mga manggagawa

Ang Araw ng Paggawa sa taong kasalukuyan ay isang mapanghamong selebrasyon sapagkat ang buong bansa ay pipili na naman ng isang Pangulo na siyang magpapatakbo ng gobyerno sa loob ng anim na taon. 

Matapos ang anim na taon sa ilalim ng gobyernong Aquino, tayo’y magpapasya kung sino ang karapat-dapat na mamuno ng ating bansa.

Pero bago tayo mamili, muli nating balikan kung ano na ang kalagayan ng paggawa sa Pilipinas. 

Kasalukuyan, marami pa rin ang walang trabaho at kulang sa trabaho (underemployed) na aabot sa 24% ng kabuuang puwersang paggawa, at sa mga may trabaho, laganap naman ang kontraktwalisasyon at kawalan ng kaseguruhan sa trabaho. 

May higit sa 10 milyong Pilipino naman ang overseas workers na siyang nagpapadala nang higit $27-B taon-taon na siyang nagpapalago ng ating ekonomiya. Naturingang ‘bagong bayani,’ pasan ng ating OFWs ang pagdurusa na mahiwalay sa pamilya at posibleng karahasan sa kanilang trabaho. 

Bagamat mataas ang ating economic growth ilalim ni PNoy, kailangan pa ring ipagpatuloy ang maraming reporma upang maitawid ang pag-unlad na ito, palayo sa “jobless growth.” 

Kaya sa Araw ng Paggawa, ang Akbayan ay nakikiisa sa adhikain sa disenteng trabaho para sa manggagawang Pilipino. Naniniwala ang Akbayan na ang sanhi ng kahirapan ay ang kawalan ng disenteng trabaho at marangal na hanapbuhay ng nakakarami. 

Ang pag-iral ng sistemang kontraktwalisasyon ay nagpapaigting ng kahirapan. Ang kakulangan ng karampatang pasahod, di pagkilala ng karapatang paggawa gaya ng pag-uunyon at ang 
pakikipagtawaran o collective bargaining, di pagsunod sa minimum wage law at occupational health and safety, at ang pang-aabuso sa ating mga manggagawa ay mga patakaran na kayang patawan ng batas at regulasyong magpapatibay nito. 

Kaisa ng mga manggagawa, nananawagan ang Akbayan sa mga kandidato na suportahan ang mga sumusunod na polisiya at panukala: 
1) agarang pagpasa sa Security of Tenure bill; 
2) pagrebyu tungo sa pagpawalang-bisa ng mga regional wage boards; 
3) pagtaas ng sahod ayon sa konseptong living wage;  
4) pagsulong ng social protection gaya ng social insurance schemes sa mga informal sector workers;
5) ratipikasyon ng Senado sa ILO Convention 151 para sa pagkilala sa karapatan ng mga public sector workers; 
6) kabuang implementasyon at pag-monitor ng Kasambahay Law; 
7) pagsulong ng in-city at on-site, comprehensive socialized housing program para sa ating mga informal settler families; 
8) pagbigay ng mga libreng skills training and upgrading sa vocational-technical sa mga kabataang manggagawa;  
9) pagpapalakas at gawing epektibo ang mga embahada na makatulong at sumagip sa ating OFWs; at ang 
10) paggawa ng mga bagong industriya sa manufacturing at agriculture para makadagdag ng trabaho.

Mabuhay ang uring manggagawa, mabuhay ang kilusang paggawa!

No comments:

Post a Comment